Pinag-aaralan na ngayon ng Department of Tourism (DOT) ang pagpayag na makapasok sa Pilipinas ang mga turista na mula sa mga bansa na mayroong zero cases o mababang kaso ng COVID-19.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na pina-plantsa na nila ang paglulunsad ng tinatawag na travel bubbles o travel corridors.
Ibig sabihin, ang mga turista mula sa mga bansang wala o mababa ang kaso ng COVID-19 tulad ng Australia at New Zealand ay maaaring lumipad ng diretso sa ating mga tourist destinations.
Kabilang sa mga posible nilang puntahan at pasyalan ay ang Bohol, Boracay at Palawan na mayroong sari-sariling international airports at mababa din ang kaso ng COVID-19 sa mga nabanggit na lugar.
Layunin aniya nitong ibalik ang sigla ng turismo sa bansa.
Sa datos ng DOT, nakapagtala ng 60% revenue lost ang sektor ng turismo mula Enero hanggang Mayo dahil sa lockdown at travel restrictions dulot ng COVID-19 pandemic.