Travel expenses ng mga na-offload na pasahero, ipinare-reimburse sa BI

Ipinare-reimburse ni Senator Chiz Escudero sa Bureau of Immigration (BI) ang travel expenses ng mahigit 32,000 pasahero matapos na hindi matuloy ang mga byahe dahil na-offload sa kanilang mga flights bunsod ng matagal na interrogation ng mga immigration officers.

Suportado ni Escudero ang naunang pagtutol ng mga kasamahang senador sa bagong departure rules ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) na nakatakda sanang ipatupad sa September 3.

 

Giit ng mambabatas dito, dapat na hinahayaang magpunta ang ating mga kababayan sa ibang bansa at ipaubaya ang pagbusisi sa kanilang kakayahang bumyahe ng mga bansang pupuntahan lalo’t sinusuri naman ito bago sila bigyan ng visa.


Iminungkahi ni Escudero na idagdag sa probisyon ng 2024 national budget ang pagaatas sa BI na i-reimburse ang mga nagastos sa naudlot na byahe ng mahigit 32,000 mga pasahero at ng sinumang ma-o-offload sa kanilang flight.

Sinabi ni Escudero na ang bayad sa reimbursement ay huhugutin sa immigration fees na kinokolekta rin ng BI kaya naman hayaan lang aniya na masaktan din ang ahensya para maturuan ng leksyon na gamitin ang kanilang kapangyarihan na may pagiingat at malasakit.

Batay aniya sa tala ng BI, nasa kabuuang 32,404 Filipino passengers ang naharang at hindi natuloy ang byahe noong nakaraang taon kung saan 472 sa bilang na ito ay mga biktima ng human trafficking at illegal recruitment.

Magkagayunman, hanggang sa ngayon ay walang pruweba at pinal na desisyon na makapagsasabing ang mga na-offload na pasahero ay talagang sangkot sa prostitusyon at human trafficking.

Facebook Comments