Travel requirements para sa sa mga fully-vaccinated na local at foreign tourist, pinaluluwagan

Inihirit ng isang kongresista na luwagan na ang travel requirements para sa mga fully-vaccinated na local at foreign tourists sa bansa.

Tinukoy ni House Committee on Tourism Vice Chair at AP Partylist Rep. Ronnie Ong na bagama’t unti-unting nagbubukas ang mga premier tourism destination sa bansa gaya na lamang ng Boracay, Coron, El Nido, Siargao at Cebu, ang mahigpit at mahal na travel requirements naman ang nagpapabagal sa pagbangon ng bansa mula sa pagkalugmok ng ekonomiya bunsod pa rin ng pandemya.

Apela ni Ong sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) na alisin na ang quarantine at RT-PCR test requirement para sa mga bakunadong turista, lokal man o mga dayuhan, basta’t sila ay may pre-booked na accommodation at itinerary.


Para matiyak naman aniya na “properly documented” at mababantayan ang mga biyahero, ang pre-booked accommodations ay dapat sa mga hotels at lodging houses na sertipikado ng Department of Tourism (DOT).

Ang lahat din aniya ng hotel staff, guides, drivers at iba pang tourism personnel ay dapat na fully-vaccinated.

Ang mga lugar na bubuksan para sa turismo ay mga area na nasa ilalim lamang ng Moderate General Community Quarantine at General Community Quarantine.

Naniniwala si Ong na handa nang magbukas ang turismo sa bansa ngunit kailangan lamang na matiyak ang mahigpit na monitoring at documentation ng mga bakunadong local at international travelers.

Facebook Comments