Nakatakdang talakayin ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 sa Lunes ang posibleng pagpapatupad ng travel restriction sa darating na Holy Week.
Ayon kay Interior Undersecretary Jonathan Malaya, partikular na pag-uusapan ng response cluster ng NTF kung maghihigpit ang pamahalaan sa pagbiyahe ng mga tao sa probinsya.
Nabatid na tradisyon na sa mga Pilipinong nasa Metro Manila na umuwi sa kani-kanilang probinsya tuwing Mahal na Araw.
Pero ayon kay Malaya, maaari itong magdulot ng lalo pang pagkalat ng COVID-19 sa mga rural areas.
Katunayan aniya, marami nang local government units gaya ng Cebu at Davao ang nagsimulang ibalik ang COVID-19 testing bilang requirement ng mga biyaherong papasok sa kanilang lugar.
Sa ngayon, ayon kay Malaya, wala pang ipinapatupad na nationwide lockdown pero hinimok niya ang publiko na maging handa sakaling mangyari ito.