Traysikel Drayber, Binaril Habang Nakatayo sa Harap ng Bulwagan

Cauayan City, Isabela- Isinugod sa ospital ang isang traysikel drayber matapos itong barilin habang nakatayo sa harap ng barangay hall ng Bangag, City of Ilagan, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Manny Ancheta, 32 anyos, may asawa habang ang suspek ay nakilalang si Edward Baldoz, 58 anyos, kapwa namamasada ng traysikel at residente rin sa barangay Bangag.

Una rito, nakatayo sa harapan ng multi-purpose hall ng nasabing barangay ang biktima kasama ang isang nagngangalang Doroteo Magday.


Dumating ang suspek at kinompronta ang biktima hanggang sa naglabas ng baril ang suspek at ipinutok ng isang beses sa biktima.

Agad na dinala sa pagamutan ang biktima para mabigyan ng atensyong pangmedikal.

Tumakas naman ang suspek matapos ang pamamaril na ngayo’y pinaghahanap ng kapulisan.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang (1) piraso ng basyo ng bala ng Caliber 45.

Facebook Comments