TRB, may paglilinaw sa mga motorista sa pag-uumpisa ng cashless transaction sa mga expressway ngayong araw

Muling nilinaw ng Toll Regulatory Board (TRB) ang itinakda nilang deadline kaugnay sa pag-uumpisa ng cashless transaction sa mga expressway ngayong araw.

Kasunod na rin ito ng pagdagsa ng mga motorista sa mga toll plaza at installation stations para maglagay ng RFID sticker sa mga sasakyang wala pa.

Sa interview ng RMN Manila kay TRB Spokesperson Julius Corpuz, binigyan diin nito na ang deadline ay hindi para sa mga motorista dahil maaari pa silang kumuha ng RFID hanggang sa mga susunod na taon.


Ayon kay Corpuz, ang deadline ay para sa mga toll operators para sa pagpapatupad ng Electronic Toll Collection System, batay na rin sa kautusan ng Department of Transportation.

Bagamat wala nang booth para sa cash payment sa mga expressways, nilinaw naman ni Corpuz na hindi pa sila manghuhuli ng mga motorista na wala pang RFID dahil nasa transition phase pa sila hanggang Enero 11, 2021.

Samantala, sa interview ng RMN Manila kay Metro Pacific Tollways Corp. (MPTC) Chief Communications Officer Romulo Quimbo, sinabi nito na naglagay na sila ng 24/7 emergency at dedicated lanes para sa paglalagay ng RFID sticker.

Batay sa pagtataya ng TRB, nasa 1.8 million RFID tags na ang naikabit sa Autosweep habang 1.5 million RFID tags naman sa Easy Drive.

Facebook Comments