Umaapela si Ang Probinsyano Party-list Rep. Alfred delos Santos sa Toll Regulatory Board (TRB) na pag-isipang muli ang implementasyon ng Radio-Frequency Identification (RFID) sa mga expressways.
Ayon kay Delos Santos, mas mabuti kung gagawing interoperable o magkakaugnay ang dalawang RFID systems at hindi magkaiba para sa smooth implementation ng cashless transactions sa mga tollways.
Ang dalawang magkaibang RFID systems aniya ay nagiging sanhi ngayon ng kalituhan at pahirapan sa pagkuha para sa mga motorista.
Bagama’t isinusulong sa paggamit ng RFID technology ang contactless transactions para makaiwas sa pagkalat ng COVID-19, marami aniyang motorista ang nahihirapan sa physical registration at nagkaka-isyu pa sa paggamit ng teknolohiyang ito.
Nilinaw naman ni Delos Santos na suportado niya ang polisiyang ito ng Department of Transportation (DOTr) dahil sa magandang layunin na maiwasan ang physical contact at makaiwas sa sakit.
Gayunman, kailangan aniyang pag-isipan muli ng mga tollways operators kung paano mas mapapadali ang proseso at mabawasan ang hassle sa pagkuha at paggamit ng teknolohiya ng RFID.