Naglatag ng mga solusyon ang Toll Regulatory Board (TRB) para mapahusay ang cashless transactions sa toll expressways para matugunan ang isyu ng cashless toll collection system o paglipat sa radio frequency identification o RFID system.
Ito ay matapos mabatikos ang mga toll operators dahil sa matinding trapiko sa toll plazas bunga ng mga aberya sa sistema.
Ayon kay TRB Executive Director Abraham Sales, nagkaroon na ng improvement sa pagpapatupad ng contactless payment scheme.
Sinabi ni Sales na ililipat ng lugar ang RFID installation at reloading stations.
Inatasan din ang mga toll operators na paigtingin ang traffic management sa toll plazas, at customer service assistance at magamit ang emergency lanes bilang transaction lanes lalo na tuwing peak hours.
Dapat din aniyang palakasin ng toll operators ang pagpapalit ng mga depektibong RFID tags, pag-upgrade sa sistema at pagbili ng dekalidad na RFID stickers.
Mahalagang mapalakas ang information campaign para sa mga motorista para matiyak na mayroong silang sapat na load kapag dadaan sa tollways para sa mabilis na transaksyon at biyahe.