Hindi pinagbabayad ng toll fee ang mga private emergency response vehicles na dumadaan sa mga expressway.
Ito ang paglilinaw ni Toll Regulatory Board Spokesperson Julius Corpuz sa Laging Handa briefing matapos na harangin ang private emergency response vehicle ng Marikina Filipino Chinese Fire Brigade Volunteers sa NLEX na reresponde sana sa insidente ng sunog.
Paliwanag ni Corpuz, sa nangyaring insidente hindi naman pinagbayad ng toll fee ang private emergency response vehicle ng Marikina Filipino Chinese Fire Brigade Volunteers sa halip nagkaroon lamang ng clarification ang teller ng tollway.
Pero kung pagbabatayan aniya ang Department of Transportation (DOTr) memorandum order hindi kasama ang mga private emergency response vehicle sa mga libre sa toll fee pero ikinokonsidera na gawin na itong libre lalo’t kung emergency talaga.
Mahalaga ayon kay Corpuz na mas maraming buhay at properties ang mailigtas.
Kaya naman inatasan na raw ng TRB ang mga namamahala sa mga expressway na bigyan ng briefing ang kanilang mga tauhan na sa mga toll gate.