TRB, nilinaw na walang utos na isara ‘indefinitely’ ang Skyway Stage 3

Walang utos ang Toll Regulatory Board (TRB) na isara “indefinitely” ang Skyway Stage 3 simula mamayang alas 5:00 ng hapon.

Ito ang nilinaw ng TRB kasunod ng inilabas na anunsyo ng San Miguel Corporation kagabi hinggil sa pagsasara sa 18.3 kilometer elevated expressway.

Sa abiso, sinabi ng operator ng Skyway na wala silang magagawa kundi sundin ang direktiba ng TRB hanggang sa maayos at matapos ang lahat ng mga rampa.


Pero sa interview ng RMN Manila, sinabi ni TRB Spokesperson Julius Corpuz na wala silang utos na “indefinite” closure ng Skyway Stage 3.

Katunayan, hangga’t maaari ay ayaw nila itong magsara para sa kapakinabangan ng mga motorista.

“Wala naman po kaming nailabas na direktiba na ipasara itong stage 3 natin sapagkat ang posisyon po ng ating pamunuan ay to have it open dahil ito po ay pinakikinabangan nang malaki ng ating mga motorista,” ani Corpuz.

“Kung saka-sakali na gagawin nila yun, sana ay abisuhan kami at baka naman pwede nating pag-usapan na huwag permanent o indefinite kundi kung kailangan lamang,” dagdag niya.

Ayon sa TRB, nasa 80,000 motorista ang dumaraan sa Skyway Stage 3 kada araw.

Samantala, binawi na rin ng SMC ang nauna nitong anunsyo hinggil sa pagsasara ng skyway.

Facebook Comments