Naka-endorso na para aprubahan ng Senado ang tratado o kasunduan ng Pilipinas at Canada kaugnay sa paglilipat ng bilangguan ng mga Pilipino at Canadian na nasentensyahan o nakakulong sa dalawang bansa.
Sa Senate Resolution #1146 kung saan nakapaloob ang treaty, layon ng paglilipat ng mga sinentensyahang bilanggo na mailapit sila sa kanilang mga pamilya para sa mas mabilis na rehabilitasyon.
Sa tratado ay nakasaad na ang mga Pilipino na nakakulong sa Canada dahil sa krimen ay ililipat sa bilangguan dito sa Pilipinas at dito sa bansa na tatapusin ang naging hatol ng korte doon.
Ang mga Canadian na nakagawa ng krimen at nakakulong dito sa bansa ay ililipat din sa kulungan sa Canada at doon na tatapusin sa kanilang bansa ang sentensya.
Gagawin lang ang paglilipat kung ang criminal offense ng bilanggo ay itinuturing na krimen sa dalawang bansa at ang Department of Justice (DOJ) at ang Solicitor General ng Canada ang magpapatupad ng tratado.