Tree planting bilang bagong requirement ng LTFRB sa pag-a-apply ng prangkisa, “red tape” ayon sa isang commuters group

Tinawag na ‘red tape’ ng Lawyers for Commuters Safety and Protection ang tree planting bilang bagong requirement ng LTFRB sa aplikasyon ng prangkisa ng mga Public Utility Vehicles (PUVs).

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Atty. Ariel Inton na maganda ang intensyon ng Memorandum Circular 2020-076 na inisyu ng ahensya.

Handa namang tumalima ang mga PUV operators pero dapat din aniyang siguraduhin ng LTFRB na mapapabilis ang pag-iisyu nila ng prangkisa.


Maliban dito, nangangamba rin si Inton na magresulta ng korapsyon ang bagong polisiya ng LTFRB.

Kaya panawagan niya kay LTFRB Chairman Martin Delgra III, i-review ang memo na ginawa ng kanyang dalawang board member.

Samantala, iminungkahi ni Inton na i-blacklist ang mga truck na ginagamit sa illegal logging sa halip na bigyan ng mandato ang mga operator na magtanim ng puno.

Giit pa ni Inton, mas maraming problema sa sektor ng transportasyon ang dapat na tinututukan ng LTFRB at hayaan na lamang sa ibang ahensya gaya ng DENR at DepEd ang pagtatanim ng mga puno.

Nabatid na sa Disyembre a-uno epektibo na ang memorandum na tanim-puno ng LTFRB.

Facebook Comments