Manila, Philippines – Sa ikalawang pagkakataon ay humingi ng paumanhin si ACTS-OFW Partylist Representative John Bertiz sa publiko.
Ito ay kasunod ng nag-viral sa social media na insidente sa NAIA Terminal 2 domestic departure kung saan nakuha sa CCTV na galit na sinita ng kongresista ang isang security sa checkpoint ng paliparan.
Ayon kay Bertiz, walang “excuse” ang kanyang naging aksyon sa naturang insidente at humihingi siya ng patawad sa nangyari.
Pero, nagpaliwanag naman ang chief of staff ni Bertiz na si Jun Aguilar na nasita ng kongresista ang security dahil bago siya dumaan sa checkpoint ay may naunang grupo ng mga Chinese na escorted ng isang airport staff ang hindi dumaan sa security protocols.
Dito ay kinuwestyon na ni Bertiz ang nakatalagang bantay ng mga oras na iyon dahil agad na pinalusot sa security check ang mga nasabing Chinese-looking passengers.
Kaugnay naman sa video na kumalat, idinulog na nila ito kay Manila International Airport Authority General Manager Ed Monreal dahil sa ginawang pag-upload agad dito ng CCTV surveillance video controllers.
Punto ng staff ni Bertiz, hirap na hirap silang humingi noon pa ng CCTV footages sa MIAA para sa mga OFWs na nagiging biktima ng human trafficking, tanim-bala at iligal na droga pero ang kuha sa CCTV na mistulang nagwawala ang mambabatas ay agad na naipakalat sa social media.
Matatandaang nag-viral din noon si Bertiz matapos magbiro sa oath taking ng mga PRC passers na babawiin ang kanilang lisensya sa mga hindi nakakakilala kay Special Assistant to the President Bong Go.