Manila, Philippines – Humihingi ng tawad at pasensya ang pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) sa mga pasaherong kinakailangan pang magpayong sa loob ng bagon ng MRT.
Ito ang trending ngayon sa social media matapos makita sa video at mga larawan na nakapayong ang mga nakaupong pasahero ng MRT kahapon dahil sa tumutulo ang nasabing air conditioning unit ng bagon.
Ayon sa DOTr, napalitan na ang mga air conditioning unit noong 2008 bilang bahagi ng kanilang system’s 1st General Overhaul; 8 taon makalipas na mag-operate ang MRT noong 2000.
Paliwanag ng ahensya ang general overhaul ay isinasagawa kada 8 taon kung saan ang ikalawang overhaul ay dapat natapos noong 2016.
Pero magmula noong tinerminate o tinanggal ng DOTr ang dating maintenance provider ng MRT-3 noong November 2017, 3 lamang mula sa 72 train cars ang na-overhaul.
Sa kabila nito, tiniyak ng DOTr na darating na ngayong buwan ang mga bagong air conditioning unit dahil batid naman ng ahensya ang kahalagahan nito bunsod ng mainit at siksikan ang sitwasyon sa loob ng mga bagon ng MRT.