Nangako si Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na paiimbestigahan sa mga kinauukulan ang nangyaring pagbaril sa isang retiradong sundalo ng isang pulis sa Fairview Quezon City kahapon matapos umano itong lumabag sa ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) at akmang bubunot ng baril.
Gayundin ang pagkamatay ng isang tauhan ng MMDA na may COVID-19 na di umano ay pinagpasa-pasahan lamang, hindi kaagad nabigyan ng atensyong medikal at hindi isinakay sa mismong ambulansya ng MMDA dahil sa takot na mahawa sa virus
Ayon kay Roque, nais nyang malaman ang tunay na nangyari sa magkahiwalay na insidente.
Kasunod nito sinabi ni Roque na kapag napatunayang may pagkukulang o nagkasala ay paniguradong may mananagot.
Samantala, patungkol naman sa insidente ng pagpasok ng ilang Camouflage-wearing policemen sa Pacific Plaza towers nitong Linggo, sinabi ni Sec Roque na may natanggap na reklamo ang mga pulis mula mismo sa mga tenants ng nasabing condominium na may mga dayuhan na lumalabag sa ECQ at nagpipilit na tumambay sa pool area.
Paliwanag ni Roque ang batas ay batas at lahat ay inaasahang sundin ito mapa lokal man o dayuhan.
Giit pa nito malayang umalis ng Pilipinas ang sinumang dayuhan ang tutuligsa o hindi susunod sa mga pinapairal na batas sa ating bansa.