CAUAYAN CITY – Nasampolan ang isang tricycle driver matapos mang-abuso at maningil ng sobra-sobra sa isang Barangay Official sa Barangay Tagaran, Cauayan City, Isabela.
Sa panayam ng IFM News Team kay Brgy. Kagawad Daniel Acob, inulat nito na pinagsabihan ng pasahero ang driver na huwag magmadali sa pagmamaneho dahil kasama nito ang kanyang 4-buwang gulang na anak. Subalit, nagalit umano ang driver at nagpakita ng hindi magandang ugali.
Ayon kay Acob, hindi ito ang unang insidente ng ganitong klase ng pangyayari sa kanilang barangay. Marami na umanong tsuper sa Tagaran na namimili ng pasahero at naniningil nang labis.
Dahil dito, agad na kumilos ang lokal na pamahalaan at inaksyunan ang reklamo.
Matapos ang imbestigasyon, natukoy ang driver at dinala sa opisina ng Public Order and Safety Division kasama ang kanyang tricycle at nasampahan ng kasong Over charging at reckless driving.
Samantala, nananawagan si Brgy. Kagawad Acob sa mga tsuper ng traysikel sa Cauayan na sundin ang mga itinatakdang regulasyon at maging maayos sa kanilang mga pasahero.