
CAUAYAN CITY – Nadakip ng kapulisan ng Isabela ang isang tricycle driver matapos itong mahulian ng ilegal na droga sa isinagawang operasyon kahapon, ika-27 ng Enero, sa Brgy. Dos, Jones, Isabela.
Nakuha mula sa pag-iingat ng suspek, na kinilalang si alyas “Pablo”, ang tatlong piraso ng plastic sachets ng shabu, buy-bust money na nagkakahalaga ng P1,000, cellphone, at motorsiklo.
Dinala sa himpilan ng Jones PNP ang suspek at mga ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon ng kanyang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Pinangunahan naman ng Jones Police Station (PS) ang operasyon katuwang ang PNP Isabela at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 2.
Patuloy pa rin ang kampanya ng kapulisan at pamahalaan upang matuldukan ang mga ilegal na droga sa lipunan.