TRICYCLE DRIVER, TIMBOG SA IKINASANG BUY-BUST OPERATION SA NAGUILIAN

Cauayan City – Nasakote ng mga awtoridad ang isang tricycle driver matapos itong magpositibo sa ikinasang drug buy-bust operation kahapon, ika-8 ng Hulyo sa Brgy. Roxas, Naguilian, Isabela.

Nakumpiska sa pag-iingat ng suspek ang isang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na siyang buy-bust stuff, buy-bust money, isang unit ng cellphone, at isang motor.

Samantala, sa naging panayam ng IFM News Team sa suspek na si alyas “Vin”, 42 anyos, at residente ng Brgy. San Manuel, Naguilian, Isabela, mariin nitong itinatanggi na sakanya nagmula ang nakuhang ilegal na droga, at giit nito, tinaniman lamang siya ng mga awtoridad.


Aniya, nang mga oras na iyon ay pauwi na umano sana ito sa kanilang bahay matapos kunin ang ipinadalang gamit ng kanyang asawa mula sa ibang bansa, ngunit kanyang ikinagulat ng bigla na lamang siyang dakpin ng mga pulis.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Naguilian Police Station ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Facebook Comments