Umabot sa mahigit isang libo at isang daan na mga tricycle driver at operators ang nakatanggap ng ayuda mula sa Pamahalaang Lungsod ng Quezon.
Sinabi ni Mr. Bemjamin Ibon, Chief ng Tricycle Regulatory Division ng Quezon City Hall, dalawang libong cash ang natanggap ng mga TODA driver habang isang libong piso naman sa mga TODA operators.
Iba pa ito sa financial assistance na ibinibigay ng LTFRB at DSWD na Social Amelioration Program (SAP) dahil sa ipinaiiral na Enhanced Community Quarantine dulot ng COVID pandemic.
Ang ayudang ito ay ipinag-utos ni Mayor Joy Belmonte dahil hindi nakakapamasada ang mga TODA.
Kabilang sa nabigyan ay si Ginoong Boy Advincula Jr. ng West Fairview TODA ng dalawang libong piso na isang buwan na rin hindi nakapamasada.
Anya, nakatanggap na sila ng relief goods mula sa kanilang Barangay, City Hall at DSWD ngunit hindi ito sapat dahil mayroon siyang mga anak at apo na umaasa lamang sa kanya.
Plano niyang bumili ng kanyang maintenance na gamot at isang sakong bigas upang mayroong makain ang kanyang pamilya habang umiiral ang community quarantine.