Tricycle drivers, hindi pa rin papayagan bumiyahe sa lungsod ng Maynila

Hindi pa rin pinapayagan ng lokal na pamahalaan ng Maynila na pumasada ang mga tricycle driver kahit pa nasa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang buong Metro Manila.

Nabatid kasi na may ilang lungsod ang pinayagan na ang tricycle drivers na bumiyahe na pero may ilang health protocols na inilatag.

Ang mga tricycle driver na magpupumilit na bumiyahe sa anumang distrito ng Maynila ay sisitahin at maaaring hatakin ang kani-kanilang unit.


Iginiit ng lokal na pamahalaan ng Maynila na may mga programa naman silang inilatag para sa mga tricycle driver sa lungsod kung saan maaari silang mabigyan ng alternatibong trabaho tulad ng pagde-deliver ng pagkain at iba pang essentials.

Samantala, sumikip naman ang daloy ng trapiko sa kahabaan ng España Blvd. papasok ng Maynila dahil sa pagdagsa ng mga sasakyan sa ikatlong araw ng MECQ.

Dinagsa rin ng mga mamimili ang divisoria matapos na magbukas ang ilang tindahan pero mahigpit pa rin na pinapairal ang physical distancing.

Ang mga empleyado naman ng Manila City Hall ay sumalang sa rapid test para sa COVID-19 bago sila magsimula ng kani-kanilang trabaho.

Facebook Comments