Magkakaroon na ng hanap-buhay ang libu-libong mga tricycle driver na nawalan ng trabaho matapos na magkasundo ang Antipolo City Government at ng kumpanyang Joy Ride at Happy Move na magbibigay sila ng trabaho ng inisyal na 200 tricycle drivers.
Ayon kay dating Antipolo Mayor Casimiro “Junjun” Ynares, nagpasya ang Antipolo Local Government Unit (LGU) na magkasundo sa Joy Ride at Happy Move upang maturuan ang mga tricycle driver na mag-deliver ng mga pagkain at iba pa para matulungan ang kanilang mga pamilya na apektado ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Paliwanag ni Ynares, ngayong nararanasan na pandemic, marami ang nawawalan ng trabaho lalo na sa sektor ng transportasyon kung saan sa Rizal ay umaabot sa 15,500 units ng tricycle ang pumapasada pero nahinto dahil sa krisis na epekto ng COVID-19.
Giit ni Ynares, kahit nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) ang Antipolo pero limitado lamang ang kanilang mga galaw kung saan araw-araw umanong kumakain ang mga manggagawa kaya araw-araw din aniyang magtatrabaho, kaya’t minarapat ng Antipolo City Government na hanapan sila ng permanente, mas stable at mas malaking take-home pay para sa kanilang mga pamilya.