TRICYCLE DRIVERS NA SOBRANG NANINGIL NG PASAHE, HULI

Limang traysikel drivers na ang matagumpay na nahuli ng Public Order and Safety Division o POSD sa pamumuno ni Ret. Col Pilarito Mallillin dahil sa paniningil ng mga ito ng sobra sa mga naisasakay na pasahero dito sa Lungsod ng Cauayan.

Nahuli ang mga ito matapos na magreklamo sa mismong tanggapan ng POSD ang mga nabiktimang pasahero.

Karamihan sa mga nagreklamo ay nasingil ng higit sa itinakdang minimum fare na P15 sa Poblacion area.

Sa ating panayam kay POSD Chief Mallillin, ang limang nahuli ay base sa kanilang pinakahuling naitala ngayong buwan ng Oktubre.

Naisumite na rin umano sa BPLO Cauayan ang pangalan ng mga nahuling nanamantalang drayber para sa cancellation ng kanilang traysikel franchise.

Ayon pa kay Mallillin, ibinahagi nito na mismong siya ay nabiktima rin overcharging o sobrang paniningil ng pasahe kaya agad din niya itong hinuli at dinala sa kanilang opisina.

Pinaliwanag nito na kapag dalawang beses na nahuli sa overcharging ang traysikel driver ay pagmumultahin ito; kakanselahin naman ang franchise kung tatlong beses at kung paulit-ulit nang lumabag ay kukumpiskahin na ang lisensya.

Babala nito sa mga namamasada ng traysikel na huwag manamantala sa mga pasahero dahil oras aniya na mahuli ay sa huli nalang ang pagsisisi.

Facebook Comments