Itinuturing ng mga motorista na hulog ng langit ang pagkakaroon ng ride-hailing app lalo na kung matatapat sila sa rush hour. Pero alam niyo bang maliban sa kotse, at motorsiklo, posible nang mag-book sa inyong mobile phone ng tricycle?
Nitong nakaraang buwan, inilunsad sa lungsod ng Butuan ang “Transeek”, isang app-based tricycle service na binuo ng mga estudyanteng kumukuha ng kursong Information Systems at professor mula sa Caraga State University.
Galing sa katagang “transportation seek”, layunin nitong mapataas ang kita ng mga tricycle driver at paginhawain ang mga buhay ng pasahero. Katulad ng mga ride-booking application na Grab at Angkas, kailangan may internet connection at bukas ang Global Positioning System (GPS) ng gamit niyong cellphone.
Ayon kay Angelito Cagulada Jr., team leader ng naturang proyekto, hango ang ideya sa karanasan ng mga kaibigang comumuters. Pahirapan umano sa kanilang lugar maghintay ng tricycle tuwing dis-oras ng gabi at naglilipana ang mga “mapipili” at “nangongontratang” tsuper.
Nilikha ng grupo ni Cagualada ang bagong application noong 2018 sa Navigatú, isang Technology Business Incubation hub na pinondohan ng Philippine Council for Industry, Energy, and Emerging Technology Reseach and Development (DOST-PCIEERD).
Umaani naman ng papuri mula sa mga residente at biyahero ang tricycle hailing application.
Sa ngayon, maaring i-download ang “Transeek” mula sa Google Play Store.