Hindi nais ng Pilipinas na galitin ang anumang bansa sa gaganaping kauna-unahang trilateral summit ng Pilipinas, America, at Japan sa susunod na lingo, sa gitna ng lumalalang tension sa West Philippine Sea.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Acting Deputy Undersecretary Hans Mohaimin Siriban, na hindi naka-direkta sa anumang bansa ang summit.
Ang pinakalayunin aniya ng summit ay palalimin pa ang matatag na alyansa ng bawat bansa, kabilang ang kooperasyon sa ekonomiya, para sa economic resilience ng Pilipinas sa strategic at critical infrastructure.
Tatalakayin din ang mga aksyon laban sa climate change, kung saan isusulong ang paggamit ng clean at green energy, habang sisikapin ding palawakin ang kooperasyon sa mahahalagang industriya tulad sa critical minerals at semi-conductors.
Gayunman, sinabi ni Siriban na may posibilidad pa ring pag-usapan ang seguridad.
Nananatili rin aniyang bukas ang mga linya ng komunikasyon at nagpapatuloy ang dayalogo sa mga kalapit na bansa.