Tiyak umanong manggugulo sa administrasyong Marcos ang mga Duterte kapag nakalusot ang kanilang pamilya sa Senado sa susunod na halalan.
Ito ang inihayag ni dating Sen. Antonio Trillanes IV sa isinagawang Kapihan sa Manila Hotel kung saan hindi malabong guluhin ng mga Duterte ang nalalabing tatlong taon ng administrasyong Marcos kapag may nakalusot sa kanila sa Senado.
Kaugnay nito ay hinimok ni Trillanes ang administrasyon at mga kasamahan noon sa oposisyon na kumilos at bumuo ng alyansa para maagapan ang pinaplanong pagbabalik-kapangyarihan ng mga Duterte.
Samantala, naniniwala naman ang political analyst na si Prof. Edmund Tayao na dapat seryosohin ng publiko at mga partidong politikal ang posibleng pagtakbo ng pamilya Duterte sa darating na 2025 midterm elections.
Naniniwala kasi si Tayao na gagamitin ng mga Duterte ang pagkakataong makapag-ingay at matawag ang pansin ng publiko, lalo’t ipinoposisyon sila bilang oposisyon ng administrasyon.
Aniya, hindi malabong ituloy ng mga Duterte ang pagtakbo kapag nagtagumpay sila sa pag-iingay at kinagat ng publiko ang kanilang diskarte.