Naniniwala ang Malacañang na mabibigo lamang si dating senador Antonio Trillanes IV na patunayan ang mga alegasyong plunder laban kina Pangulong Rodrigo Duterte at Senator Christopher Go.
Matatandaang inakusahan ni Trillanes sina Pangulong Duterte at Sen. Go ng korapsyon na nagkakahalaga ng ₱6.6 billion na public works contracts sa Davao Region.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, matagal na itong ginagawa ni Trillanes mula nang magsimula ang administrasyon.
Wala naman aniyang napatunayang alegasyon si Trillanes lalo na noong siya pa ay senador.
Inaasahan na nila na mas maraming akusasyon ang ibabato ni Trillanes.
“Sa panahon ng politika, asahan po natin ang mga ganitong paratang. Pero ‘wag niyo pong kakalimutan, yung mga bumabato ngayon, binato na ‘yan dati,” sabi ni Roque.
Malayang maghabla si Trillanes laban kay Pangulong Duterte dahil hindi naman matitigil ang anumang imbestigasyon kahit mayroong presidential immunity.
Ang mga artikulo mula sa mga online news site na Rappler at non-profit media organization na Philippine Center for Investigative Jounalism (PCIJ) ay hindi maaaring gamitin ni Trillanes na evidensya.