Manila, Philippines – Pumunta sa branch ng DBS Bank sa Alexandra road, Singapore si Senator Antonio Trillanes upang humingi ng sertipikasyon.
Ito ay bilang patunay na hindi totoo ang ibinibintang ni Pangulong Rodrigo Duterte na mayroon syang savings account sa nasabing bangko na nagkakahalaga ng 193,000.
Isinumite ni Trillanes sa bangko ang kanyang passport, senate ID at ang kopya ng dokumento na kumakalat sa social media na nagpapakita ng account number ng nasabing account na nasa pangalan umano ng isang Antonio F. Trillanes.
Ilang minuto na hinanap ng teller ng bangko ang nasabing account at sinabi kay Senator Trillanes na wala ito sa record nila.
Tumanggi din ang bangko na mag isyu ng sertipikasyon kay Senator Trillanes dahil sya ay hindi nila kliyente.
Magugunitang ilang beses ng itinanggi ni Senator Trillanes ang alegasyon ni pangulong duterte na mayroon syang mga bank accounts sa ibang bansa.
Bilang patunay na hindi ito totoo, ay nauna ng nagsumite ng waiver sa bank secrecy law si Trillanes sa anti-money laundering council para mabusisi ang nasabing mga bank accounts.