
Malaki ang matutulong sa pagluwag ng mga bodega ng National Food Authority (NFA) ang pagtataas ng alokasyon ng P29 na bigas sa mga Kadiwa ng Pangulo.
Ito’y matapos itaas ng Department of Agriculture (DA) sa tatlumpung kilo (30kg), mula sa sampung kilo (10kg) ang alokasyon ng bigas para sa mga benepisyaryo.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, makatutulong din ito para makabili ang NFA ng mas maraming palay mula sa mga magsasaka na katatapos lang mag-ani.
Bumaba aniya ang presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado kaya nagdesisyon ang DA na itaas ang kasalukuyang sampung kilong alokasyon sa bigas ng mga benepisyaryo para mas marami silang maiuwi sa kanilang pamilya.
May sapat na pondo rin aniya ang gobyerno para ipagpatuloy ang programa, kaya walang dapat ikabahala ang mga benepisyaryo nito.
Sa ilalim ng programa, mas murang mabibili ng senior citizens, persons with disabilities, solo parents, at indigents ang bigas sa halagang P29 per kilo kada buwan sa Kadiwa outlets.