Ibinasura ng Korte Suprema ang hiling na temporary restraining order o TRO laban sa implementasyon ng mandatory SIM Registration.
Sa halip, ayon kay Supreme Court Spokesperson Brian Keith Hosaka, ni-require ng SC ang respondent na magsumite ng komento sa petisyon sa loob ng sampung araw mula nang matanggap ang abiso.
Wala pa namang inilalabas na detalye ang SC hinggil sa dahilan ng pagbasura sa TRO bid.
Noong nakaraang linggo, hiniling ng grupo ng petitioners sa Korte Suprema na ideklarang unconstitutional ang batas kaugnay ng mandatory na pagpaparehistro ng SIM cards dahil labag raw ito sa freedom of speech, right againts unreasonable search and seizure at sa right to privacy of communication.
Kabilang sa mga petitioner ang National Union of Journalists of the Philippines, Journalist Ronalyn Olea, Bayan Muna Party-List Representative Eufemia Cullamat, at si Bayan Secretary-General Renato Reyes.
Habang ang mga respondent ay kinabibilangan ng National Telecommunications Commission, National Privacy Commission, at ng Department of Information and Communications Technology, gayundin ang mga private telecommunication firms.