TRO ng Korte Suprema sa mga contraceptives, posibleng dahilan ng paglobo ng populasyon ayon sa DOH

Manila, Philippines – Itinanggi ng Department of Health na hindi epektibo ang ginagawa nilang kampaniya para sa Responsible Family Planning, ito ang sinabi ni Health Assistant Sec Eric Tayag, kasunod ng nauna nang pahayag ng Commission on Population na inaasahang lulobo pa sa 105.75 million ang populasyon sa bansa bago matapos ang taong kasalukuyan.

“Hindi naman sa hindi effective sapagkat hindi naman pamimilit yung ginagawa ng Department of Health. Nirerespeto kasi namin ang desisyon ng mag asawa kasi choice ‘to, kanilang karapatan ‘to” – ASEC Tayag.

Dagdag pa ni Tayag, sa oras na mapagdesisyunan ng magasawa ng ipagpaliban muna ang pagaanak, ay dito pa lamang maaaring pumasok ang Department oh Health.


“So kung maguusap sila na gusto nilang maganak, hindi naman namin pinipigilan ‘yan. Pero kung ang paguusap ay gusto munang ipagpaliban, o kaya itigil na muna, saka pa lang papasok ang Department of Health.” – ASEC Tayag.

Ayon pa kay Tayag, maaaring may kinalaman sa paglobo ng populasyon sa bansa ang TRO na ipinataw ng Korte Suprema sa pagbili at pamimigay ng Department of Health ng mga contraceptives.

Kaugnay nito, umaasa aniya sila na makapagsusumite na ang Food and Drug Administration ng mga dokumento na magpapatunay na ligtas ang paggamit ng mga contraceptives para sa ikaaalis ng TRO.

Aniya, sa kasalukuyan ang magagawa na lamang ng DOH ay patuloy na magsagawa ng information dissemination para maipabatid sa publiko ang kahalagahan ng responsableng pagpaplano ng pamilya.

Facebook Comments