Good news para kina 1 Rider Party-list Rep. Bonifacio Bosita, Albay Rep. Joey Salceda at Surigao del Norte Rep. Ace Barbers, ang inilabas na Temporary Restraining Order o TRO ng Supreme Court sa implementasyon ng No Contact Apprehension Policy o NCAP.
Ayon kay Representative Bosita, sa pamamagitan nito ay mabibigyan muna ng kaukulang atensyon at solusyon ang ilan sa mga maling sistema na lalong nagpapahirap sa mga motorista bago tuluyang ipatupad ang NCAP.
Sabi naman ni Congressman Salceda, bago ipatupad ay dapat ma-resolba muna ang isyu sa legalidad ng NCAP kaya habang may TRO ay dapat bumuo na ang transport agencies, kasama ang Department of Interior and Local Government (DILG) ng mas malinaw na panuntunan.
Diin naman ni Rep. Barbers, magandang pagkakataon ang TRO para mapakinggan ang hinaing ng motorista bunsod ng kalituhan sa naturang polisiya.
Giit ni Barbers, dapat talagang pag-aralang mabuti ang NCAP bago ipatupad at mainam din na i-ayon ito sa best practices ng ibang bansa.