Cauayan City, Isabela- Matagumpay na naipasakamay ng tropa ng 502nd Infantry ‘Liberator’ Brigade sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City ang mga Personal Protective Equipment (PPE’s) na donasyon ng isang Foundation.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay SSgt Liway Asuncion, nasa 200 pirasong PPE’s ang inihatid ng 502nd IB sa pamumuno ni BGen Laurence Mina sa naturang ospital at personal naman itong tinanggap ng pinuno ng CVMC na si Dr. Glenn Matthew Baggao.
Simula aniya nang ipatupad ng pamahalaan ang Enhanced Community Quarantine o ECQ sa Luzon nitong Marso ay naging tulay na ang himpilan ng 502nd Brigade para sa mas mabilis na transportasyon ng mga donasyon na galing sa iba’t ibang mga organisasyon na tumutulong sa pamahalaan sa nararanasang krisis dulot ng Coronavirus Disease (COVID-19) pandemic.
Kamakailan din ay naging instrumento ang himpilan ng 502nd IB sa paghahatid ng mga medical supplies sa mga hospital ng Isabela, Quirino at Nueva Vizcaya gaya ng mga aerosol boxes, surgical mask, facemask, at gloves para sa mga health workers at frontliners.
Ayon pa kay SSgt Asuncion, ito ay ilan lamang sa ginagampanan at responsibilidad na iniatang sa mga sundalo para makatulong sa pagsugpo sa kinatatakutang sakit.