Tropa ng militar sa bansa, inalerto ng AFP kasunod ng pagkakadakip kay Abu Sayyaf Group leader Andul-Ji-Had “Edang” Susukan

Nagbabala si Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Major General Edgard Arevalo sa mga tropa ng militar na mas maging mapagmatyag kasunod ng pagkaka-aresto kay Abu Sayyaf Group leader Andul-Ji-Had “Edang” Susukan.

Ayon kay Arevalo, malaking dagok sa hanay ng teroristang grupo ang pagkakadakip sa isa sa kanilang subleader na hindi lamang sa Pilipinas pinaghahanap ng mga otoridad.

May atas din aniya si AFP Chief of Staff General Gilbert Gapay sa mga nasa frontline units na siyang nagbabantay sa mga teroristang grupo na maging mapagmatyag sa lahat ng oras.


Kasabay nito, nilinaw ni Arevalo na wala pa silang impormasyon kung bakit nasa bahay ni Moro National Liberation Front (MNLF) founder Nur Misuari si Susukan.

Si Susukan ay nahaharap sa dalawampu’t tatlong warrant of arrest para sa kasong murder, kidnapping, serious illegal detention at frustrated murder.

Facebook Comments