Truck ban, muling ipapatupad ng lokal na pamahalaan ng Navotas

Muling ipapatupad ng lokal na pamahalaan ng Navotas ang “truck ban” sa darating na Lunes, November 14, 2022.

Dahil dito ang mga sasakyan na may walo o higit pa na mga gulong tulad ng cargo at freight trucks ay hindi na maaaring dumaan sa M. Naval Street mula Agora hanggang Bagumbayan-Bangkulasi Bridge, kasama ang C-4 Road patungong Brgy. Tangos North, Gov. Pascual Street, C4 Road, at H. Lopez Boulevard.

Maging ang mga sasakyan na tumitimbang ng 4,500 kilograms kasama ang tractor trailers at container haulers ay hindi rin papayagan sa mga nabanggit na kalsada.


Ang nasabing truck ban ay ipapatupad mula Lunes hanggang Sabado maliban lamang kapag holiday.

Magsisimula ito ng alas-6:00 hanggang alas-10:00 ng umaga at alas-4:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi kung saan sa mga oras na bakante, maaari naman bumiyahe ang mga truck pero mananatili sila sa itinalagang truck lane.

Ayon kay Mayor Toby Tiangco, paraan ito upang maiwasan ang pagsikip ng daloy ng trapiko sa kanilang lungsod lalo na’t marami na ang bumibiyahe patungo sa mga paaralan at trabaho.

Ipapatupad naman ang total truck ban will sa Lapu-lapu Avenue at San Rafael Village, pero maaari naman dumaan ang mga truck ng mga kumpaniya na malapit o nasa nabanggit na lugar ang kanilang tanggapan.

Ang mga truck naman na may dalang perishable goods at maaaring mag-apply ng special pass mula sa City Traffic and Parking Management Office para magamit ang mga non-truck lanes at maiwasan ang pagka-delay ng kanilang mga kargamento kung saan ang sinumang palabag ay papatawan ng multa ng aabot sa ₱5,000.00.

Facebook Comments