Iaapela ngayong araw ng grupong Confederation of Truckers Association of the Philippines (CTAP) sa Metro Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapaliban sa pagpapatupad ng truck ban sa EDSA.
Ayon kay CTAP President Ruperto Bayocot, hindi sila kinonsulta ng MMDA bago nagdesisyong ibalik ang truck ban.
Giit ng grupo, hindi sila ang dahilan ng traffic sa mga pangunahing kalsada lalo’t sumusunod sila sa lane na inilalaan para sa mga truck.
Naniniwala rin ang CTAP na babalik muli ang port congestion sa mga pantalan dahil sa truck ban na magpapabagal din sa paghahatid ng mga produkto.
Samantala, sa interview ng RMN Manila, sinabi ni MMDA spokesperson Celine Pialago na bago pa man ang pandemya ay ipinatutupad na ang truck ban.
Aniya, mayroon namang Terminal Appointment Booking System (TABS) para sa mga truck kung saan naka-schedule ang kanilang biyahe para masigurong tuloy-tuloy ang paghahatid nila ng produkto.
Pero ayon kay CTAP Vice President for External Affairs Maria Zapata, hindi naman readily available ang TABS kaya parati pa ring nade-delay ang paglabas nila sa pier.
“Readily available na yung cargaments namin to release, my gate pass na kami, hindi kaagad namin yun mairi-release. Maghihintay pa kami ng availability of the … and sometimes it takes day bago kami makakuha no’n so another delay of turn around ng aming biyahe. May pagkakataong nakalabas, hindi pa rin kami pwedeng tumakbo tapos magagalit ang pamunuan ng Maynila at kami e nasa kalsada naghihintay ng lifting ng truck ban, ang hirap,” ani Zapata.
Giit pa ni Zapata, ang truck ban ay taliwas sa pagnanais ng Department of Trade and Industry (DTI) na matulungan silang makabangon mula sa epektong idinulot ng pandemya.
“Itong ini-impose nila na ito “run counter” sa encouragement ng DTI sa pagtulong nila sa amin na talagang ang pagbiyahe ng mga truck ay huwag sanang maantala. Ngayong nasa pandemic pa rin naman tayo, talagang sila, they are pushing to help all industries at alam nila na ang truck ay vital carrier ng kargamento that is equal to the economy.”