Truck Helper sa Santiago City, Timbog sa Drug Buy Bust sa Cordon Isabela-Mga Bala ng Baril, Nakumpiska!

Cordon, Isabela – Timbog kagabi sa drug buy bust operation ng mga otoridad ang isang truck helper at nakumpiskahan ng mga bala ng baril sa National Highway ng Brgy. Turod Sur, Cordon, Isabela.

Sa ibinahaging impormasyon ng Isabela Police Provincial Office, kinilala ang suspek na si Mark Rebay Castro, bente otso anyos, binata at residente ng Mabini, Santiago City, Isabela.

Ang matagumpay na pagkaaresto sa suspek ay dahil sa pinagsanib pwersa ng Drugs Enforcement Unit ng Cordon Police Station at TDPO kung saan ay nakumpiska mula kay Castro ang isang pakete ng pinaghihinalaang shabu, marked money na limang daang piso at aksidenteng nakuha sa suspek ang tatlong piraso ng bala ng caliber 5.56 at tatlong piraso rin ng bala ng caliber 45.


Nakumpiska rin sa suspek ang isang itim na motorsiklo na walang plaka na maaring ginagamit ni Castro sa mga transaksyon nito sa droga.

Ang mga nakumpiskang mga bagay at ang suspek ay dinala na sa Cordon Police Station para sa tamang dokumentasyon at imbestigasyon.

Facebook Comments