Muling ipinagpatuloy ng mga miyembro ng CTAP o Confederation of Truckers Association of the Philippines ang truck holiday o truck rest day ngayong araw ng Martes.
Kaugnay nito, isang caravan ang isinasagawa ng grupo na iikot sa labas ng mga tanggapan ng Philippine Ports Authority (PPA) at ICTSI o International Container Terminal Services Inc. kung saan tutungo rin sila sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB sa Quezon City.
Ayon kay Atty. Ryan Esponilla ng CTAP, hanggang ngayon ay bigo pa rin ang PPA na tugunan ang kanilang hinaing.
Kabilang dito ang napakabagal na trade facilitation at balakid sa mabilis na pagdadala ng mga kargamento at mga materyales para sa iba’t ibang industriya.
Paliwanag pa ni Esponilla, kung magtaas ang presyo ng imported na bilihin ay hindi kasalanan ng kanilang isinasagawang protesta.
Aniya, ganito na rin ang sitwasyon noon pa man dahil sa kailangan nilang ipasa sa kanilang mga kliyente ang gastusin dahil bunsod ito ng hiwa-hiwalay at komplikadong mga bayarin kasama pa ang multa na ipinapataw sa truckers.
Bukod pa ito sa mabagal na operasyon sa mga pantalan na nakakaapekto sa bilis ng pagkuha at paghahatid ng mga produkto.