TRUCK NA GINAMIT SA KRIMEN SA RIZAL, KALINGA, KASALUKUYANG NAKA-IMPOUND

Cauayan City, Isabela- Naka-impound pa rin sa himpilan ng Rizal Police Station sa lalawigan ng Kalinga ang isa sa mga ginamit na sasakyan ng mga suspek na umano’y nangholdap sa Balabag West, West, Rizal, Kalinga kahapon, May 7, 2022.

Ang nahuling forward truck ay kulay asul at walang plaka na minamaneho ni Valentin Valdez ng Poblacion, Lubuagan, Kalinga at sinakyan ng pitong (7) katao.

Una rito, lumabas sa imbestigasyon ng PNP Rizal, habang abala sa paghahanda sina Noreen Joy Busaiya, 24 taong gulang, Mary Joy Pio, 36 taong gulang at Gladys Gabino, 32 taong gulang na pawang mga tauhan ni Representative Allen Jesse “Sony” Mangaoang at mga residente ng Sitio Anonang, Liwan, West, Rizal, Kalinga para sa pagtatalaga ng kanilang poll watchers sa araw ng eleksyon, May 9, 2022.

Pagkalipas ng ilang sandali, may huminto sa harapan ng headquarters ng mga biktima na dalawang (2) forward trucks na may sakay na tinatayang mahigit kumulang sampung katao at isang motorsiklo.

Bumaba mula sa sasakyan ang isa sa mga sakay na kinilalang si Roy Mangik at biglang nagpakawala ng apat (4) na putok ng baril.

Pumasok sa compound at lumapit naman sa mga biktima ang tatlong (3) iba pang mga suspek na kinilalang sina Dino Mangik, Bawas Bali-iwang at Ruben Bennas na pawang mga residente rin ng Lubuagan, Kalinga at kinuha ang lahat ng folders at papel na nakalapag sa lamesa kabilang na ang shoulder bag ng isa sa mga biktima.

Pagkatapos ng insidente, agad na tumakas ang mga suspek na sakay ng forward truck patungo sa North direction.

Sa huling banda, naharang din ang isa sa mga sakay ng mga suspek na kulay blue na forward truck na nagresulta naman sa pagkakahuli ng mga suspek.

Narekober naman mula sa pag-iingat ni Ruben Bannas ang tinangay nitong bag ng isang biktima.

Kasalukuyan namang nasa kustodiya ng pulisya ang mga nahuling suspek na nahaharap sa kaukulang kaso.

Facebook Comments