Truck na Naglalaman ng Pekeng Sigarilyo, Bumaligtad sa Daan

Cauayan City, Isabela- Maswerteng nakaligtas sa aksidente ang mga driver ng dalawang truck matapos magkabanggaan bandang 1:30 kaninang madaling araw sa pambansang lansangan ng Brgy. Magsaysay Hill, Bambang, Nueva Vizcaya.

Nakilala ang mga biktima ng banggaan na sina Ronaldo Maramag, 30-anyos, may-asawa, driver ng Isuzu Wing Van Truck na may plakang RJA 782 at residente ng Brgy. Maligaya, Cauayan City, Isabela

Habang ang isa pang biktima ay minamaneho ang Fuso Aluminum Wing Van Truck at nakilalang si Honorato Sansan, 43-anyos, may-asawa at residente ng Calumpit, Bulacan.


Ayon kay PSSg. Jimmy Rirao ng PNP Bambang, lumalabas sa imbestigasyon na binabagtas ni Sansan ang direksyong bahagi patungong kalakhang maynila ng ng makabanggaan nito ang Isuzu Wing Van na minamaneho ni Maramag.

Lumalabas sa pagsisiyasat na mabilis na nagpapatakbo si Sansan kahit na nasa bahagi na ito ng pakurbadang daan dahilan ng kawalan ng kontrol sa manibela.

Sinubukan pa umanong iwasan ni Maramag ang nasabing sasakyan subalit nahagip nalang ito at bumangga sa kasalubong na truck na minamaneho ni Sansan hanggang tumagilid sa lansangan ang Fuso Truck.

Batay sa pakikipag-usap ni PSSg. Rirao sa driver na si Sansan ay sinabi nito na ang laman ng truck na kanyang minamaneho ay naglalaman ng karton-kartong pekeng sigarilyo na nasabat nitong May, 28, 2020 sa Isabela.

 

Paglilinaw ng driver na si Sansan, ang truck na kanyang minamaneho at naglalaman ng pekeng sigarilyo ay ginamit lamang para ihatid sa maynila para sa imbestigasyon.

 

Patuloy naman ang imbestigasyon sa insidente at sa pagitan ng dalawang driver kung aaregluhin ang insidente o itutuloy ang kaso laban kay Sansan.

Facebook Comments