Umaabot na sa tatlong truck ng mga campaign posters ang nahakot ng mga tauhan ng Department of Public Order and Safety (DPOS) ng Quezon City Local Government Unit (LGU).
Ito’y matapos ikasa ang “Operation Baklas” ng Commission on Elections (COMELEC) katuwang ang Quezon City LGU.
Kasama rin sa nasabing operasyon ang Quezon City Police District (QCPD), Quezon City-Traffic and Transport Management Department (QC-TTMD), at QC Task Force Disiplina.
Nag-ikot sila sa lahat ng distrito at pinagbabaklas ang mga tarpaulin ng mga kandidato na wala sa common poster area.
Nabatid na karamihan sa mga campaign materials ay nakapaskil sa mga puno at mga poste maging sa kawad ng kuryente.
Kasama rin binaklas ang mga poster na sobra sa sukat sa ilalim ng patakaran ng Comelec.
Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Quezon, na araw-araw ang gagawin nilang pagbabaklas ng mga iligal na campaign materials kaya’t paalala nila sa mga pasaway na kandidato na magsasayang lang sila ng resources kung ipipilit nilang ikabit ang mga ito sa maling lugar.