Manila, Philippines – Ikinalugod ng Bureau of Immigration (BI) ang pagpayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin ang nakolekta ng ahensya mula sa express lane fee bilang dagdag-kompensasyon sa kanilang mga empleyado.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, ang desisyon ng Pangulo ay pagpapakita ng pagmamalasakit sa kalagayan ng mga empleyado ng BI.
Sa kanyang veto message sa ilang bahagi ng 2018 General Appropriations Act, pinahintulutan ng Pangulo ang pagtatalaga ng trust fund na kukunin mula sa express lane fees bilang dagdag-kompensasyon sa immigration personnel.
Ito ay habang wala pang naipapasang batas ang Kongreso para sa modernisasyon ng Bureau of Immigration (BI).
Bilang sukli, tiniyak ni Morente na dodoblehin nila kanilang pagsasa-ayos sa serbisyo sa publiko.
Karamihan sa mga empleyado ng BI ay nasa ilalim ng salary grades 1 hanggang 11 at tumatanggap ng basic pay na P9,981 hanggang 19,620.