Trustees at board members ng GSIS, nanawagan ng imbestigasyon sa umano’y higit P8-B pagkalugi ng ahensya

Nanawagan ng malawakang imbestigasyon at transparency ang ilang kasalukuyan at dating miyembro ng GSIS Board of Trustees kaugnay ng umano’y P8.8-B pagkalugi sa mga investment sa ilalim ng pamumuno ng presidente at general manager na si Jose Arnulfo Veloso.

Sa isang pulong balitaan sa Maynila, sinabi nina Audit Committee Chairperson Rita Riddle, GSIS trustees Ma. Merceditas Gutierrez at Evelina Escudero, at dating board members Alan Luga at Jocelyn Cabreza kailangang busisiin ang mga desisyong pinasok ng kasalukuyang pamunuan.

Giit nila, maraming high-risk investments umano ang ipinatupad nang walang sapat na pagsusuri at pag-apruba ng Board kung saan naging mababa ang kita nito na malinaw umanong pagpalya sa pamamahala ng GSIS.

Dagdag pa nila, ilusyon lamang ang ipinagmamalaking paglago ng GSIS dahil nakabatay ito sa revaluation ng assets at awtomatikong kontribusyon ng mga miyembro at hindi sa aktuwal na kita ng pondo.

Paliwanag pa nila, ang mga lumang investment bago pa ang administrasyon ni Veloso ang patuloy na bumubuhay sa GSIS.

Matatandaan naman na umalma si Veloso sa mga panawagang magbitiw saka iginiit na nananatiling matatag ang pondo ng ahensya na aabot ng hanggang taong 2058 at iginiit na ang lahat ng investment decisions ay dumaraan daw sa tamang proseso at pag-apruba ng Board.

Facebook Comments