Tseke na ayuda ng national government sa mga residenteng apektado ng COVID-19 lockdown, naibigay na ng DSWD sa Manila City Government

Inaasahang makakatanggap na ng financial assistance mula sa national government ang mga Manilenyo sa mga darating na araw.

Ito ay matapos na mai-turn over na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang tseke na nagkakahalaga ng mahigit isang bilyong piso sa lokal na pamahalaan ng Maynila para sa Social Amelioration Program.

Kasabay nito, umapila naman si DSWD NCR Director Vicente Tomas sa publiko na huwag lumabas ng bahay at hintayin na lang ang mga social worker mula sa kanilang lokal na pamahalaan na magtungo sa kanilang bahay para ihatid ang tulong-pinansyal mula sa pamahalaan.


Paliwanag ni Director Tomas, kailangang sumunod sa itinatakdang pag-iingat hindi lang sa hanay ng publiko kundi maging mga social worker sa harap ng banta ng COVID-19.

Sa oras na matanggap na, aniya, ng lokal na pamahalaan ang tseke ay ang Local Government Units (LGUs) na ang magdedesisyon kung kailan ipapamahagi ang tulong.

Tiniyak naman ni Director Tomas na lahat ay tatanggap ng financial assistance sa ilalim ng SAP.

Kung mayroon man, aniyang, wala sa listahan ng mga mabibigyan sa unang batch, ang LGU ang kukuha ng pangalan ng mga hindi pa nakakatanggap at saka naman ito isusumite sa kanila para maiproseso.

Una nang sinabi ni DSWD Sec. Rolando Bautista na kasama sa mga makakatanggap ng financial assistance na 5 hanggang walong libong piso ang mga senior citizens, PWD, mga buntis, solo parents, distressed Overseas Filipino Workers (OFWs), mga manggagawa sa informal sector, magsasaka, mangingisda, indigent, at iba pang nasa tinatawag na underprivileged sector.

Facebook Comments