Tsuper, Binaril ng Sekyu!

47

Alicia, Isabela- Arestado ang isang security guard matapos barilin ang isang tsuper dakong alas siyete kwarenta ngayong gabi, Marso 28, 2018 sa Brgy. Magsaysay, Alicia, Isabela.

Kinilala ang suspek na si Erenio Pascua Jr. 37 anyos, may asawa, gwardiya ng isang bangko at residente ng San Guillermo, Isabela habang ang biktima naman ay kinilalang si Ronnie Coloma, 50 anyos, may asawa, tricycle driver at residente ng Antonio, Alicia, Isabela.

Batay sa impormasyong nakalap ng RMN Cauayan News sa PNP Alicia, umihi umano sa loteng nasasakupan ng isang bangko si Coloma partikular sa mga halaman nang sitahin ito ni Pascua na ikinagalit naman ni Coloma kaya’t tinungo ang nakaparada nitong tycycle at inilabas ang kanyang pistol.

Hinamon umano ni Coloma si Pascua subalit inunahan na nitong paputukan ng dalawang beses sa ibat-ibang bahagi ng katawan si Coloma.

Agad namang rumesponde ang PNP Alicia at narekober mula kay Pascua ang isang armscor caliber 9mm pistol, 1 magazine na may 3 live ammos samantalang narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang isang pistol ng biktima na may 12 gauge ammo, 4 fired shell of caliber 9mm pistol at isang deformed slug.

Dinala naman sa Manango Hospital ang biktima para sa kaukulang lunas.

Hawak na ng PNP Alicia si Pascua maging ang mga narekober na bala at baril para sa kaukulang disposisyon habang inihahanda na ang karampatang parusa laban kay Pascua.

Facebook Comments