GUIZHOU, China – Tila mabilis na nalimutan ng isang tsuper ang mga natutunan sa noo’y katatapos lang na driving test nang biglang magdire-diretso sa ilog ang minamaneho nitong sasakyan.
Nangyari ang insidente sa Laoping Bridge kung saan nakuhanan ng CCTV ang pagtakbo ng kotse na lumiko pakaliwa nang may tatlong taong naglalakad pagawi rito.
Makikita raw sa footage na napasobra ng liko pakaliwa ang naturang sasakyan hanggang sa mahulog ito at bumagsak sa tubig.
Ayon sa driver na si Mr. Zhang, na-distract daw siya dahil nagbabasa siya noon ng mensahe ng pagbati sa kanyang cellphone dahil sa pagkakapasa niya sa driving test.
“While I was driving, I tried to grab my phone and read some messages while two people were in front of me on the bridge,” aniya.
Nang makita niya umano ang mga taong naglalakad noon, kinabahan daw siya kaya biglang iniliko pakaliwa ang sasakyan.
Mabuti na lamang daw at lumutang ang kotse kaya nagawa niyang makalabas mula rito.
Agad namang nakaresponde ang awtoridad sa lugar kung saan naiangat ang kanyang sasakyan na sinasabing bagong rehistrado pa.
Samantala, tinitingnan naman ng mga pulis kung magsasagawa ng aksyon laban sa tsuper dahil sa insidente.