Tsuper na tumigil sa trabaho para makaiwas sa COVID-19, patay dahil sa naturang sakit

QUEENS, New York City – Sa kabila ng kagustuhang makaiwas sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), hindi nakaligtas ang isang tsuper mula sa kamatayang dulot nito.

Martes ng umaga nang bawian ng buhay ang isang Uber driver na naiulat na tanging breadwinner ng pamilya.

Nasawi ito saktong 12:30 a.m. sa Elmhurst Hospital kung saan siya inilagak simula nang makaramdam ng sintomas ng COVID-19.


Ayon sa pinsan nito, naospital ang lalaki dalawang Linggo ang nakararaan at wala raw itong kahit anong contact sa kanyang asawa’t mga anak dahil mahigpit umano itong ipinagbabawal.

Kwento pa nito, unang Linggo pa lang daw ng Marso nang tumigil na sa pagmamaneho ang kanyang pinsan matapos umanong makapagsakay ng pasahero mula sa JFK Airport patungong Westchester County.

Simula raw noon ay natakot na itong magtrabaho at tumigil muna pansamantala.

Labis daw ang pag-aalala nito sa kanyang pamilya lalo pa’t siya lamang ang naghahanapbuhay para sa araw-araw na pangangailangan ng mga ito.

Samantala, naiulat din na may iba pa silang kasamahan na kasalukuyang nasa ospital dahil sa COVID-19.

Nanawagan naman ang New York Taxi Workers Alliance executive director Bhairavi Desai na isuspende na muna ang kahit anong app-based ride-hailing para sa kaligtasan ng mga ito.

Mas malaki raw kasi ang posibilidad na mahawa ng sakit ang mga ito dahil iba-iba ang kanilang isinasakay na pasahero.

Facebook Comments