Cauayan City, Isabela- Dead on arrival ang tsuper ng traysikel matapos aksidenteng bumangga sa puting SUV pasado alas-6:15 ngayong gabi sa pambansang lansangan ng Brgy. Harana, Luna, Isabela.
Kinilala ang nasawing tsuper na si Melvin Jay Torres, 30-anyos, may-asawa habang inoobserbahan naman sa pagamutan ang menor de edad nitong pasahero na si Raven Alcantara, 16-anyos na kapwa residente ng Purok 6, Brgy.Malini Malvar, Santiago City.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt. Joesbert Asuncion, hepe ng Luna Police Station, binabagtas ng suspek na si Harris Chua, 40-anyos, may asawa ang national highway ng Brgy. Harana patungo sa Cauayan City ng aksidenteng umikot at maagaw ng biktima ang linya ng suspek dahilan para mabangga nito ang sasakyan ni Chua.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, may mga gamit na sakay sa traysikel ang biktima partikular ang mahabang metal kung saan aksidenteng tumama ito sa tailing ng isa pang sasakyan na minamaneho naman ni Joerle Cedeno Jr., 69-anyos, may-asawa, empleyado ng Department of Agrarian Reform (DAR) na nakabase sa Brgy.San Fermin, Cauayan City at residente ng P4, Provincial Road, Baluarte, Santiago City, Isabela.
Dahil dito, nagtamo ng sugat sa katawan ang menor de edad na sakay ng traysikel habang patuloy pa rin na inaalam ang kabuuang halaga ng pinsala sa lahat ng sangkot na sasakyan sa aksidente.
Dinala naman sa ospital ng rumespondeng rescue team ang lahat ng sugatan sa aksidente habang idineklarang dead on arrival si Torres ng doktor.
Sa kasalukuyan ay inilipat sa Southern Isabela Medical Center ang menor de edad upang obserbahan ng mga doktor.
Ikinustodiya naman ng pulisya ang drayber ng dalawang SUV kasama ang lahat ng mga sasakyang sangkot sa aksidente para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon.