Tsuper ng Tricycle Patay, 1 Sugatan matapos bumangga sa Concrete Barrier

Cauayan City, Isabela- Dead on arrival ang tsuper ng tricycle matapos bumangga ang minamaneho nitong tricycle sa isang concrete barrier bandang 4:30 ng hapon kanina sa pambansang lansangan ng Brgy. Sagat, Cordon, Isabela.

Kinilala ang nasawing biktima na si Jason Laurente, 23 anyos, may asawa at residente ng Brgy. Gayong habang nakilala ang sugatang kasama nito na si King Pascual, 22 anyos, binata na residente ng Brgy. Magsaysay sa Bayan ng Cordon.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa PNP Cordon, binabagtas ng nasabing tsuper at kasama nito lulan ng kanilang tricycle patungong Quirino Province at nang marating ang pinangyarihan ng insidente ay bumangga ito sa konkretong harang sa daan at nagtamo ng malalang sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.


Patuloy naman na nagpapagaling sa pagamutan ang kasama ng nasawing biktima.

Facebook Comments