Tsuper, Patay nang Mabangga ang Mobile Car ng PNP Roxas

54

Cauayan City, Isabela- Patay ang tsuper ng tricycle matapos umano nitong aksidenteng mabangga ang sasakyan ng PNP Roxas dakong alas-2:44 ngayong hapon sa pambansang lansangan ng Brgy. District I, Cauayan City, Isabela partikular sa harapan ng isang construction company.

Nakilala ang nasawing biktima na si June Dancel, 23-anyos, binata at residente ng Brgy. San Fermin sa naturang lungsod.


Habang nakilala ang pulis na nagmamaneho ng mobile car na si PSMS. Sixto Barroga, 41-anyos, may-asawa, nakatalaga sa PNP Roxas at residente naman ng Vira, Roxas, Isabela.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Cauayan City Police Station, binabagtas ng parehong sasakyan ang pambansang lansangan patungo sa city proper at ilang saglit pa ng aksidenteng mabangga ng pampasaherong tricycle na may plakang BD-56556 ang sasakyan ng pulisya.

Dahil dito, nagtamo ng matinding sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tsuper na agad isinugod sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival ng sumuring doktor.

Sa ngayon ay dinala na sa himpilan ng pulisya ang mga sasakyang sangkot sa nangyaring aksidente para sa isasagawang imbestigasyon.



Facebook Comments