Tsuper, tumalon sa 75ft tulay para iwasan ang paparating na truck

NORTH CAROLINA – Muntik nang mauwi sa malagim na trahedya ang pagmamabuting-loob ng isang tsuper nang subukan nitong iligtas ang isa pang tsuper mula sa maaaring pagbangga ng paparating na truck.

Himalang nakaligtas si Jeremiah Cribb,24, matapos itong tumalon sa tulay sa taas na 75 feet para iwasan ang noo’y paparating na truck.

Ayon kay Cribb, namataan niyang may babanggang tractor-trailer sa  kotseng nakahinto noon sa tulay kaya dali-dali siyang lumabas ng sasakyan para abisuhan ang nakasakay na driver nito.


“We didn’t know if the driver of the tractor-trailer was going to hit the car, but I kind of had a feeling that he was,” aniya.

Nang papalapit na umano ang 18-wheeler truck sa kanilang kinaroroonan, agad daw tumalon sa tulay si Cribb para makaligtas.

Ipinalagay pa niya umano na damuhan lang ang kanyang babagsakan.

Nagtamo ng matinding pinsala si Cribb na agad namang isinugod sa pinakamalapit na ospital matapos itong ma-rescue.

Bali sa buto-buto partikular na sa kanyang likod at pinsala sa baga ang nakuha ng biktima mula sa tindi ng pagkakabagsak.

Patuloy naman sa pagpapagaling si Cribb matapos makaligtas sa insidente.

Facebook Comments